Mandatory evac center bill sa lahat ng lungsod, bayan umusad sa Senate plenary

SENATE PRIB PHOTO

Ibinahagi na ni Senator Jinggoy Estrada sa plenaryo ng Senado ang committee report ukol sa panukalang pagpapatayo sa bawat lungsod at bayan sa bansa ng typhoon-resilient at earthquake-proof evacuation centers.
 
“Nais nating matiyak na ang mga itatayong evacuation centers ay matatag at magiging ligtas na silungan ng ating mga kababayan sa panahon ng kalamidad,” ani Estrada.

Pagbabahagi pa ng senador sa 2014 assessment ng International Organization for Migration at UNICEF, walong porsiyento lamang o 53 sa 634 designated evacuation centers sa Eastern Samar ang maaring magamit dahil 166 ang nawasak at 415 naman ang napinsala.

Isinagawa aniya ang pag-aaral isang taon matapos ang pagtama ng super typhoon Yolanda.

“The catastrophic damage to these evacuation centers caused numerous deaths and injuries due to substandard construction, extreme winds, and surges. Ayaw po nating maulit ito,” banggit ni Estrada sa kanyang sponsorship speech.

Aniya layon ng Senate Bill 2451 o ang panukalang “Ligtas Pinoy Centers Act” na magkaroon ng permanente, matatag at kumpletong evacuation centers sa bawat lungsod at bayan sa bansa.

Paliwanag niya na dapat ay kakayanin ng evacuation center ang bagyo na may bitbit na lakas na hangin na hanggang 300 kilometro kada oras at maging magnitude 8.0 earthquake.

Dapat din aniya na may sleeping quarters, shower and toilet facilities, kitchen and food preparation, dining areas,  health care station, women and child-friendly spaces, standby power, at mga medical and communication equipment.
 

Read more...