Humihirit si Pangulong Marcos Jr. na pagtibayin at aprubahan ng Senado ang kasunduan ng International Labour Organization Convention na tuldukan ang karahasan at harassment sa mga opisina.
Base sa liham ni Pangulong Marcos Jr. kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sinabi nito na kapag naratipikahan ng Senado ang ILO Convention 190 o Violence and Harassment Convention, mapagtitibay nito ang mandato ng pamahalaan na itaguyod at pangalagaan ang karapatan ng mga Filipinong manggagawa hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa overseas.
Sabi ni Pangulong Marcos, zero tolerance ang pamahalaan sa karahasan.
“The ratification of the ILO C190 will fortify the Philippine government’s mandate and policy in promoting and protecting the rights of Filipino workers, locally and overseas, by pushing for a work environment with zero tolerance for violence and harassment,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Noon pang Hunyo 25,2021 nang maging epektibo ang ILO Convention 190 kung saan saklaw nito ang lahat ng sektor sa paggawa, sa pampubliko o pribadong mga tanggapan, sa urban at rural areas, sa formal at informal economy.
Napatunayan ni Pangulong Marcos Jr. na matapos mapag-aralan ang ILO Convention 190, marapat lamang na ratipikahan ito ng Senado para matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa.
Sinang-ayunan ng Department of Labor and Employment (DOLE), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Commission on Human Rights (CHR), Civil Service Commission (CSC), Philippine Commission on Women (PCW), at Presidential Human Rights Committee Secretariat ang hirit ni Pangulong Marcos na ratipikhan ang ILO Convention 190.