Dating PGMA taas-kamay na sa mga intriga sa Kamara

INQUIRER PHOTO

Pinabulaanan ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo ang alegasyon na hindi niya sinusuportahan ang pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez.

Sa inilabas niyang pahayag ukol sa pagkakatanggal sa kanya bilang deputy speaker, paliwanag ni Arroyo na nasa ibang bansa siya nang ilabas ang House Resolution 1414 na nagpapahayag ng suporta kay Romualdez.

Ito aniya ang dahilan kayat hindi siya nakapirma sa resolusyon at hindi dahil hindi niya sinusuportahan si Romualdez.

Binanggit din ni Arroyo na pagka-upo ni Pangulong Marcos Jr., ay sumulat na siya sa Punong Ehekutibo at ipinahayag ang kanyang suporta sa nais nitong mamumuno sa Mababang Kapulungan.

Diin na lamang din nito na hindi mawawala ang intriga sa pulitika at wala na siyang magagawa kung nakumbinsi si Romualdez ng mga nang-iintriga na hindi niya sinusuportahan ang huli.

Sa kabila nang pangyayari kahapon, iginiit ni Arroyo na paninindigan niya ang sinabi niya kay Pangulong Marcos Jr., na susuportahan niya si Romualdez.

 

Read more...