‘All Systems Go’ sa Duterte oath-taking

 

Inquirer/Rene Elevera

Handa na ang lahat ng kailangan para sa payak na seremonya ng inagurasyon ni Rodrigo Duterte bilang ika-16 Pangulo ng Pilipinas.

Kabilang sa mga piling imbitado sa inagurasyon ay mga pinuno sa Kongreso, ang hudikatura, mga senador at pati na ang mga miyembro ng diplomatic corps.

Ayon kay Ambassador Marciano Paynor na namumuno sa Palace inaugural committee, tanging 627 katao lamang ang imbitado dahil mas pinili ni Duterte na manumpa sa Malacañang na limitado lang ang espasyo, kumpara sa napakalawak na Quirino Grandstand.

Bago siya manumpa, magkakaroon sila ng maiksing pagpupulong ni Pangulong Aquino sa opisina sa Malacañang, at ayon kay Paynor, pawang mga pagbati lamang ang tiyak na mapaguusapan dahil masyadong maiksi ang panahon para sa seryosong mga usapin.

Pagkatapos nito, bibigyan ng departure honors si Pangulong Aquino at saka uuwi sa kaniyang tahanan sa Quezon City bilang isa nang pribadong mamamayan.

Magkakaroon naman ng maiksing programa bago manumpa si Duterte sa harap ni Supreme Court Justice Bienvenido Reyes na susundan ng mass oath-taking ng mga miyembro ng Gabinete at ang full military honors para kay Duterte.

Susunod naman ay ang full reception line ng members of the diplomatic corps na pangungunahan ng papal nuncio na si Archbishop Giuseppe Pinto.

Pagkatapos nito, pupulungin niya ang kaniyang Gabinete sa kauna-unahang pagkakataon bilang pangulo ng bansa.

May isa pang source na nakapagsabi na baka magpa-feeding program si Duterte pagdating ng hapon mamaya.

Samantala, nilinaw naman ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na hindi holiday ngayon bagkus ay isa lamang regular working day hindi tulad nang nanumpa si Pangulong Aquino noong 2010.

 

Read more...