Makatutulong sa Pilipinas ang pagtanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa imbitasyon ng Indo-Pacific Command sa Honolulu, Hawaii sa Nobyembre 18 hanggang 19.
Sa pre-departure briefing, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Charles Jose, magkakaroon ng roundtable discussion si Pangulong Marcos sa Daniel K. Inouye Asia-Pacific Center for security studies.
Hindi isinasantabi ni Jose ang posibilidad na talakayin ng Pangulo sa Indo-Pacific Command ang usapin sa South China Sea.
Ayon kay Jose, pampalakas ng puwersa ang pagpupulong lalo’t pinagsusumikapan ng Pilipinas na makatuwang ang mga kaalyadong bansa para itaguyod ang matagal nang isinusulong na rules-based order lalo na sa maritime areas.
Sabi ni Jose, kasama ni Pangulong Marcos sa Indo-Pacific Command ang kanyang opisyal na delegasyon.
Hindi naman matukoy ni Jose kung sino sa hanay ng Amerika ang makakasama sa pulong.
Matatandaang nagkaroon na ng trilateral agreement ang Pilipinas, Amerika at Japan para palakasin pa ang malayang paglalayag at pananatili ng international order sa South China Sea.
Magtutungo si Pangulong Marcos sa San Francisco sa Amerika sa Nobyembre 14 hanggang 20 para sa Asia Pacific Economic Cooperation Summit at tutuloy sa Los Angeles at sa Honolulu, Hawaii.