Limang malalaking barko ang balak na bilhin ng Philippine Coast Guard sa Japan.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, katulad ng 97-meter multi-role response vessel na BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) at BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) ang bibilhing bagong barko.
Pinag-usapan aniya ang plano nang mag-courtesy call sa PCG sina Japanese Prime Minister Fumio Kishida at Japan Coast Guard (JCG) Commandant, Admiral Shohei Ishii.
Ayon kay Gavan, makakatulong ang mga karagdagang barko sa pagpapalawak ng mga operasyong ng PCG, kabilang ang pagpapatrolya sa West Philippine Sea, pagsasagawa ng search and rescue mission, at pakikiisa sa humanitarian assistance at disaster response effort ng pamahalaan.
Sa ginanap na courtesy visit, pinag-usapan din ng mga opisyal ang regular na pagsasagawa ng trilateral maritime exercise sa pagitan ng PCG, JCG, at U.S. Coast Guard upang lalong mapaigting ang kooperasyon at maingatan ang kapayapaan sa karagatan ng rehiyon.