Lalo pang lumakas ang tsansa ng batikang brodkaster na si Rex Cayanong na masungkit ang posisyon sa pagka-kapitan ng barangay San Isidro, Antipolo City.
Ito’y bunsod ng mataas na rating na nakuha ni Cayanong sa pinakahuling survey na isinagawa ng Go Rizal Go (GRG) mula October 19 hanggang October 22 na may kabuuang dalawang libong respondents mula sa sektor ng kabataan, kababaihan, senior citizens, transportasyon, vendors at negosyante.
Dagdag pa rito ay ang pag-endorso sa kanyang kandidatura ng Iglesia ni Cristo (INC).
Nakasaad sa survey ang katanungan na “Sino ang napupusuan mo na tingin mo ay mas maka-katulong sa inyo?” kung saan ay nakakuha si Cayanong ng average na 51% habang 22% naman ang nasungkit ng katunggaling si Bhaby Salen, 12% kay Junnie Elizaga at 15% ang undecided.
Matatandaang humataw din si Cayanong sa naunang survey na isinagawa rin ng GRG mula October 1 hanggang October 5 kung saan humakot siya ng 49% na suporta mula sa mga botante ng barangay.
Pinaniniwalaang ang mataas na rating ni Cayanong ay dahil sa taos-pusong pagtulong ng batikang brodkaster sa kanyang mga ka-barangay noong panahon ng pandemya, mabilis na pagtugon sa panawagan ng mga kabataan, tricycle operators and drivers’ associations o toda, mga taga-sitio, at maging ang pagbibigay ng ayuda mula mga kaibigang mambabatas.
Kasabay nito, nagpasalamat naman si Cayanong kay Ka Eduardo V. Manalo na siyang tagapamahalang pangkalahatan ng INC, gayundin sa lahat ng mga kapatid ng Iglesia, sa pagsuporta nito sa kanyang kandidatura.