Hinikayat ni Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at distribution utilities, tulad ng Meralco, na tiyakin ang sapat na suplay ng kuryente sa natukoy na “election hotspots.”
Paliwanag ni Gatchalian ang anumang aberya sa suplay ng kuryente sa eleksyon bukas ay maaring maging mitsa ng pangamba sa pagkakaroon ng maayos at ligtas na botohan.
Ito aniya ay maaring humantong sa dayaan na makakaapekto sa integridad ng eleksyon.
“Ayaw natin na ang kawalan ng kuryente sa mga lugar na kinikilalang mga election hotspots ay maging sanhi ng anumang hindi kanais-nais na pangyayari. Kailangang tiyakin ng DOE, lalo na ng mga distribution utilities na nangangasiwa ng kuryente sa mga malalayong probinsya, na walang anumang aberya pagdating ng halalan at bilangan,” punto ni Gatchalian.
Binanggit niya na sa huling datos, 361 lugar ang nailagay na sa “red category” sa pagsasagawa ng eleksyon.
Nangangahulugan na may mga pagbabanta na sa pagsasagawa ng maayos at mapayapang botohan.
Dapat aniya makipag-ugnayan ang DOE sa mga nasa sektor ng enerhiya, partikular na sa power generation, transmission, at distribution utilities sa mga election hotspot para sa sapat na suplay ng kuryente.
“A stable power supply is a crucial component in maintaining peace and order and ensuring the integrity of the electoral process in more than 42,000 barangays in the country,” pagdidiin ng senador.