Umabot sa 200 katao ang naaresto nang salakayin ng mga tauhan ng Commission on Elections (Comelec) at Navotas City Police ang isang bodega.
Sa paunang impormasyon, pinaniniwalaang sa bodega isinasagawa ang vote-buying para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) elections.
Base sa paunang impormasyon na ipinadala kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang sinalakay na bodega ay sa Policarpio St., Barangay San Jose.
Nabatid na bungkos-bungkos ng sobre na naglalaman ng P300 at P500 ang nakuha at gagamiting ebidensiya.
Nakasulat sa mga sobre ang pangalan ng botante at presinto kung saan siya boboto.
Ang mga naaresto naman ay pawang residente ng Barangay Prosperidad sa katabing lungsod ng Malabon.
Hindi pa pinangalanan ng Comelec ang kandidato na sinasabing makikinabang sa pagbili ng mga boto.
Ikinatuwiran naman ng ilan sa mga naaresto na ang pera ay paunang bayad sa kanila sa kanilang pagsisilbing watchers para sa eleksyon sa darating na Lunes.