Pagpayag na makapasok ang Indonesian forces sa PH, milestone ayon sa isang security expert

BanlaoiMaituturing na “milestone cooperation” ang pagpayag ng Pilipinas na makapagpatrulya at makapag-operate ang Indonesian forces sa Philippine waters.

Ayon sa national security expert na si Prof. Rommel Banlaoi, kung matutuloy, unang pagkakataon ito na mangyayari sa kasaysayan.

Maituturing aniya itong milestone sa kooperasyon ng Pilipinas at Indonesia laban sa teroristang grupo.

“Yung pag-allow ng Pilipinas sa Indonesian forces na mag-operate sa Philippine waters, milestone iyan. Kasi first time iyan na mangyayari. Inaalam ko ano ba talaga ang detalye ng intention, kasi kung magpapatuloy ang kasunduan ng Pilipinas at Indonesia, milestone cooperation iyan against terrorist group,” ani Banlaoi.

Mabuti aniyang may makakatulong ang Pilipinas sa pagtugis sa bandidong grupong Abu Sayyaf.

Una nang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sa ilalim ng cross border agreement ng Pilipinas at Indonesia ay pinapayagan ang Indonesian forces na mag-operate sa Philippine waters.

Magugunitang pitong tripulanteng Indonesians ang binihag kamakailan sa Sulu.

 

Read more...