Binuksan ngayon araw ang bagong pasilidad sa New Bilibid Prisons (NBP) na gagamitin ng mga tinaguriang “Bilibid 19” na ngayon ay labing-walo na lamang dahil sa namatay na sanhi ng karamdaman ang isa sa kanila.
Ang “Bilibid 19” ay pansamantalang nakakulong sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos matuklasan ng Department of Justice (DOJ) ang magarbo nilang pamumuhay sa loob ng bilibid.
Ayon kay Bureau of Corrections Director Ricardo Rainer Cruz III, tinawag na “Building 14” ang nasabing gusali na pagkukulungan ng mga itinuturing na high risk inmates.
Nasa loob ng Maximum Security Compound ng bilibid ang nasabing pasilidad at ang bawat selda nito ay mayroong double-deck na kama, isang electric fan, lababo at toilet bowl.
Aabot sa limapu’t-walong preso ang kasya sa building 14.
Ang building 14 ang dating “death chamber” ng NBP kung saan ang mga preso na nananatili ang mga preso isang araw bago ang nakatakdang pagbitay sa kanila.
Ayon kay Jusitce Sec. Leila De Lima, kailangang maibalik sa bilibid ang “Bilibid 19” pero dahil hindi na sila pwedeng sa dati nilang mga selda kung saan sila namuhay ng magarbo at nagtayo ng magagandang kuwarto, ay naisip na lamang nilang gamitin ang Building 14 para sa mga ito. “There is an extreme necessity and importance na ibalik natin ang Bilibid 19 dito pero di pwede na ibalik sila sa maximum. I have high hopes and confidence in the BuCor chief and personnel na sana gawin lang po natin kung ano ang tama,” ayon kay De Lima
Wala pa namang petsa kung kalian ililipat ang “Bilibid 19” sa nasabing gusali, mula sa NBI./ Ruel Perez, Dona Dominguez-Cargullo