Bagaman naging maiksi lamang ang panahon ni Retired Director General Ricardo Marquez bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), tiniyak niyang nabisita niya ang halos lahat ng mga istasyon ng pulis mula Luzon hanggang Mindanao.
Kabilang na dito ang mga lugar na masyado nang liblib at hindi gaano o ayaw puntahan ng mga nagdaang naging pinuno ng Pambansang Pulisya.
Ibinahagi ni Marquez sa kaniyang talumpati kahapon ang kaniyang mga karanasan nang makadaupang-palad niya ang mga pulis na nakatalaga sa mga kasuluk-sulukan ng Pilipinas.
Ayon sa kaniya, sabik na sabik ang mga pulis sa mga liblib na lugar na makita siya at hindi pinalampas ang pagkakataon para makipag “selfie” o group pictures sa kaniya dahil bihira lamang nilang makita ng personal ang hepe ng PNP.
Pabiro pang sinabi ni Marquez na akala niya ay dinudumog siya dahil sa siya ay magandang lalaki, pero ang katotohanan pala ay nasa 20 taon na nilang hindi naranasang mabisita ng PNP Chief.
Partikular niyang tinukoy ang mga pulis sa mga tagong lugar sa Batanes, Tawi-Tawi, Maguindanao at iba pa.
Aniya pa, marami siyang natutunan sa kaniyang pag-iikot dahil para siyang ama na nakikinig sa mga hinaing at kahilingan ng kaniyang mga anak sa tuwing kinakausap niya ang mga pulis sa iba’t ibang probinsya.
Sinaluduhan rin ni Marquez ang mga ito dahil sa kabila ng kakulangan ng pondo at gamit, nakita niya ang pagiging masigasig ng mga ito na gampanan ang kanilang tungkulin.
Binigyang pugay si Marquez kahapon sa Camp Crame para sa kaniyang pagre-retiro na pinangunahan pa ni Pangulong Aquino.