Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang itinuturo ng Commission on Elections (COMELEC) na dapat magpaliwanag sa discrepancy sa mga botong natanggap ng party-list group na Confederation of Non-Stock Savings and Loan Associations (CONSLA).
Ayon kay COMELEC spokesperson James Jimenez, posible rin naman nilang imbestigahan ang reklamo ng CONSLAI, ngunit ang PPCRV ang unang dapat magpaliwanag dito.
Una na kasi aniyang umamin ang PPCRV na nagkaroon talaga ng mga miscalculation sa kanilang hanay kung ikukumpara sa bilang ng COMELEC.
Giit pa ni Jimenez, dahil ang reklamo ay may kinalaman sa pagkakaiba ng unofficial tally ng PPCRV at official result ng COMELEC, una munang dapat tingnan ang problema sa sistema ng PPCRV.
Dapat rin aniyang unahing silipin ang problema sa unofficial tally bago gambalain ang official results.
Batay sa reklamo ng CONSLA, pinuna ng grupo ang tally ng PPCRV na mula sa Transparency Server na nagpakitang mayroon na silang 342,513 na boto noong May 9.
Kinabukasan, sinabi ng CONSLA na lumabas sa PPCRV tally na mayroon silang 523,753 votes pagdating ng 11am, at 555,896 pagdating ng alas-12 ng tanghali kaya sila ay nasa ika-14 na pwesto na.
Sinabi naman ni Jimenez na handa silang gabayan at tulungan ang PPCRV sa kanilang pagpapaliwanag sa naturang discrepancy, ngunit iginiit na dapat itong gawin alinsunod sa tamang proseso.