Dalawa pang testigo versus de Lima, bumaligtad 

Binawi na rin ng dalawang dating pulis ang kanilang naging testimoniya laban kay dating Senator Leila de Lima.

Sa sulat nina dating Police Maj. Rodolfo Magleo at Police Sgt. Nonilo Arile sinabi ng mga ito na marami silang dahilan sa pagbawi ng kanilang testimoniya at una na pagpapalaya na sa dating senadora at kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Franklin Bucayu.

Sinabi ng dalawa na binabagabag na sila ng kanilang konsensiya.

“We do not want you to be victim of mistrial. We will reveal in due time. We are assuring you all that the last case will be dismissed,” ang nakasaad pa sa sulat ng dalawa.

Kinumpirma nina Atty. Boni Tacardon at Atty. Dino de Leon, kapwa abogado ni de Lima, ang sulat ng dalawang dating pulis.

Ayon pa sa dalawang pulis makakabuti kung magpapadala ng kanyang mga abogado sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro para pag-usapan ang pagbawi nila ng kanilang testimoniya.

Nasentensiyahan si Magleo sa kasong kidnapping, samantalang sa kasong kidnapping and murder naman si Arile.

Kabilang sila sa 10 bilanggo ng New Bilibid Prison na tumestigo laban kay de Lima sa kasong illegal drug trading at humarap sila sa ginawang pagdinig sa House Committee on Justice noong 2016.

Read more...