Military forces ng Indonesia pinayagang pumasok sa Pilipinas

sulu-sea-mapKinumpirma ng Indonesian government na binigyan na sila ng go-signal ng pamahalaan para makapasok sa teritoryo ng bansa ang kanilang military forces.

Sa kanilang inilabas na media statement, sinabi ni Indonesian Defense Minister Ryamizard Ryacudu na nagkausap na sila ni Defense Sec. Voltaire Gazmin sa nasabing isyu.

Ayon sa pahayag ng Indonesian official, ibinase nila sa 1975 bilateral agreement ang nasabing plano kung saan ay kapwa signatory ang Pilipinas at Indonesia.

Laman ng kasunduan na pwedeng magkaroon ng joint military operations ang dalawan bansa kung ang hinahabol nilang mga terorista ay pumasok sa boundary ng Indonesia at Pilipinas.

Pero nilinaw ni Ryacudu na tanging pag-escort lamang sa kanilang mga barko partikular na sa Sulu Sea ang kanilang gagawin.

Sa mga nakalipas na buwan ay naging sunud-sunod ang kidnapping ng Abu Sayyaf sa mga crew ng mga barko na dumadaan sa Sulu Sea kung saan pinakahuli sa kanilang mga biktima ay labing tatlong mga Indonesian na sakay ng tugboat na Charles 001.

Anim na ang pinalaya ng Abu Sayyaf na pinaniniwalaang nagbayad ng ransom.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi na base sa kanilang mga nakukuhang impormasyon ay buhay pa ang mga natitirang Indonesian hostages ng Abu Sayyaf.

Read more...