Matatag ang suplay ng bigas sa bansa hanggang sa taong 2024.
Sa pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na sa ngayon, sapat ang suplay ng bigas dahil sa anihan na ng mga magsasaka.
Sapat din aniya ang rice imports na kinuha ng Pilipinas noong ikatlong quarter ng taong kasalukuyan.
“Bagama’t umaasa tayo ng additional imports ay very comfortable iyong ating national stock inventory – normally, tinitingnan natin between 60 to 90 days,” pahayag ni de Mesa.
“But with our inventory plus imports, going into the first quarter of next year ay matatag po ang supply ng ating bigas sa buong bansa,” dagdag ng opisyal.
Sabi ni de Mesa, dahil mataas ang produksyon ng palay ngayong buwan ng Oktubre, aabutin na sa 77 araw ang national rice stock inventory.
Kapag natapos aniya ang wet season harvest sa Nobyembre, asahan nang papalo sa 94 na araw ang ang national rice stock inventory.
“So wala pa rito iyong additional imports noong buwan ng Setyembre at katapusan ng third quarter ay umabot sa 271,000 metric tons iyong na-import,” sabi ni de Mesa explained.
“Ang kabuuan, hanggang end ng third quarter is 2.4 million metric tons. This is 600,000 metric tons lower than three million metric tons of the same period last year,” dagdag ng opisyal.
Umaasa si de Mesa na oras na bumaba ang presyo ng bigas sa merkado, asahan na rin na bababa ang inflation sa mga susunod na buwan.
“Kami ay naniniwala na malaki ang epekto ng pagbaba ng presyo ng bigas. Kasi kung titingnan natin, sa inflation rate, malaking bagay iyong food inflation na contribution – at doon sa food inflation, malaking contribution doon iyong bigas,” sabi ni de Mesa
“At ang tantiya namin, noong nagkaroon ng pag-aaral doon sa inflation, iyong epekto kasi ng Executive Order (EO) No. 39, naramdaman ito towards last week ng September,” sabi ni de Mesa.