Nalubog sa baha ang malaking bahagi ng Central Luzon dahil sa pag-ulan at naging ugat ito para magpatawag ng pagdinig ang Senado ukol sa flood-control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kabilang sa mga nagpahayag ng kanyang matinding pagkadismaya si Senate Majority Leader Joel Villanueva at nasabi pa nito na labis na siyang nahihiya sa kanyang mga kababayan dahil taon-taon ay kinakamusta niya ang mga programa kontra-baha ng gobyerno. Nabanggit ni Villanueva na sa pagsusuri niya sa mga programa ng DPWH lumalabas na may P1 bilyon pondo kada araw ang kagawaran para solusyonan ang problema sa pagbaha. Sa pagdinig, binanggit ni DPWH Sec. Manuel Bonoan ang Central Luzon-Pampanga Floodway at San Antonio Swamp Ring Dike Project na mga malalaking proyekto para solusyonan ang problema sa baha sa Gitnang Luzon, na popondohan ng Asian Development Bank at sisimulan na sa susunod na taon. Ngunit sa hiwalay na pagdinig ng Economic Cluster nabunyag na ang proyekto ay walang pondo sa 2024 National Expenditure Program. “I just have to mention this. I owe it to the people of my province (of Bulacan). I owe it to the people who are still submerged in waters at this point in time,” sabi ni Villanueva. Ayon naman kay Bonoan tapos na ang feasibility study sa proyekto at naghahanda na ang Department of Finance (DOF) sa pagbili ng pasilidad para sa proyekto. Pero inamin ng kalihim na ang actual structural design ay isasagawa pa lamang sa pamamagitan ng detailed engineering design.