Sa paniniwalang malaki ang maitutulong ng gatas sa karunungan ng bata, nais ni Senator Cynthia Villar na mapalakas ang produksyon ng gatas sa bansa.
Sa pagdinig para sa budget ng Department of Agriculture (DA) sa susunod na taon, nabatid na P1.3 bilyon ang hiningi ng kagawaran na pondo para sa National Dairy Authority (NDA), ngunit P272 milyon lamang ang inilaan ng Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ni Villar na mangangahulugan lamang ito ng mababang produksyon ng gatas sa bansa.
Binanggit niya na halos 99 porsiyento ng gatas sa bansa ay imported kayat ang mga bata mula sa mahihirap na pamilya ay hindi nakakainom ng masustansiyang inumin.
“Milk is very important for the young kasi gustong nating lumaking matatalino ang anak natin lalo na ang ‘yung anak ng mahihirap. Hindi bale anak-mayaman puwede ibili ng imported pero anak ng mahihirap sa probinsiya, walang panggagalingan,” diin ng namumuno sa Senate Committee on Agriculture.
Nais ng senadora na mailipat ang pondo ng ibang research program ng DA sa programa para sa produksyon ng gatas.
Aniya kailangan ng 50 kalabaw sa isang dairy farm at hindi ito maisasakatuparan kung maliit ang pondo.