Mahigit 10,000 rice farmers sa Capiz ang makatatanggap ng pinansyal na ayuda.
Sa talumpati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamamahagi ng ayuda sa Roxas City, Capiz, sinabi nito na kukunin ang pondo sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program.
“Ngayong 2023, mahigit sampung libong benepisyaryo mula sa inyong lalawigan ang nakatakdang makatanggap ng tulong pinansiyal sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance Program o ‘yung RFFA,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, gagamitin din ng pamahalaan ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RECF) sa pagpapataas ng produksyon at competitiveness ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng machineries, farm inputs, at training.
“Dagdag po rito, marami rin pong mga maliliit na mga magsasaka na matutulungan ng Rice Competitive Enhancement Fund, or ‘yung tinatawag na RCEF, sa pamamagitan ng mga makinarya, mga punla, mga pagsasanay at seminar, at pagpapahiram ng puhunan para sa kanila,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, ang 10,000 rice farmers sa Capiz ay una nang tinukoy na 2.3 milyong small rice farmer beneficiaries na naka-rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Tig P5,000 ang matatanggap na ayuda ng mga benepisyaryo.