Sa pambihirang pagkatataon, nagkasama sa Capiz sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating Senador Mar Roxas.
Nasa Capiz si Pangulong Marcos para mamahagi ng bigas at iba pang tulong sa mga residente.
“Ang ating matagal na kaibigan, anak ng Capiz, nandito rin po si — ang dating senador and secretary, lahat na yata nahawakan mo. Mar Roxas nandito po,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Sabi ni Pangulong Marcos, kahit hindi magkasundo sa mundo ng pulitika, matagal na silang makaibigan ni Roxas.
“Baka hindi niyo po alam, alam niyo po, kami ni Mar matagal na po kaming magkaibigan at kahit na hindi kami magkapanig kung minsan sa politika, matagal kaming nagsama sa New York at sana naman habang nandito siya, hindi na niya kinekuwento ‘yung mga nangyari sa amin noong nasa New York kami dahil bachelor pa po kami at marami kaming mga adventure nang magkasama,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Pag-amin ni Pangulong Marcos, matagal na silang hindi nagkausap ni Roxas.
Si Roxas ay kabilang sa Liberal Party habang si Marcos naman ay kasapi ng Partido Federal ng Pilipinas.