Sa abiso ng PAGASA na inilabas alas 10:00 ng umaga, nakararanas ng malakas na buhos ng ulan ang maraming lalawigan sa Mindanao dahil sa umiiral na Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Nakataas ngayon ang yellow warning level sa mga lalawigan ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Siargao, Surigao del Sur, Compostela Valley, Davao City, Davao del Sur, Davao del Norte, Davao Oriental, Sarangani at General Santos.
Sa ilalim ng Yellow warning, nangangahulugan na umabot na sa 7.5 hanggang 15 millimeters ang dami ng ulang naibuhos sa nakalipas na isang oras sa nasabing mga lugar na inaasahang tatagal pa sa susunod na dalawang oras.
Dahil dito, nagbabala ang PAGASA ng posibleng pagbaha sa mga mababang lugar.
Inabisuhan din ang mga residente at ang disaster risk reduction and management council na imonitor ang weather condition sa mga nabanggit na lugar at abangan ang susunod na abiso na ilalabas ng PAGASA.