Nakakasama at hindi nakakatulong ang ilan sa mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Marcos Jr.
Ito ang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri kayat aniya makakabuti na palitan na ang ilan sa mga ito.
Paniwala ni Zubiri, ito ang dahilan sa pagbaba ng 15 porsiyento ng approval rating ng Punong Ehekutibo.
Sa huling Pulse Asia survey, mula 80 porsiyento ay bumaba sa 65 porsiyento ang approval rating ni Pangulong Marcos Jr.
Tinukoy sa resulta ang mataas na halaga ng mga pangunahing bilihin, ang sitwasyon ng bigas, sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS) at ang secret funds ng ilang ahensiya, na mga maiinit na isyu nang isagawa ang survey noong nakaraang buwan.
Giit ni Zubiri, dapat bantayan at alamin ng mga kinauukulang ahensiya ang dahilan nang pagsirit sa presyo ng mga bilihin.
Hindi naman pinangalan ni Zubiri ang mga miyembro ng gabinete na dapat nang maalis ngunit aniya tatlo o apat na ahensya ng gobyerno ang dapat tingnan sa suliranin na ito.