Mariin ang naging pagkondena ng ilang senador sa pagkamatay ng tatlong mangingisdang Filipino matapos banggain ang kanilang bangka ng isang banyagang sasakyang-pandagat sa karagatan ng Infanta, Quezon.
Matinding galit, ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ang kanyang agad naramdaman nang malaman ang insidente.
Diin niya masyadong naagrabyado ang mga mangingisdang Filipino dahil iniwan na lamang ng malaking barko.
Ibinahagi ni Zubiri na base sa nakuhang impormasyon mula sa Philippine Coast Guard (PCG) isang oil tanker vessel ang maaring nakabangga sa F/B Dearyn malapit sa Bajo de Masinloc.
Nais naman ni Sen. Francis Tolentino na mapanagot sa mga batas ang mga may kasalanan.
Aniya, sa mga ganitong insidente higit na kailangan na agad maaprubabahn ang isinusulong na Maritime Zone bill.
Ayon naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel III dapat ay tinulungan ng mga tripulante ng nakabangga na barko ang mga mangingisdang Filipino.
Sinabi pa nito na may mga programa ang gobyerno para matulungan ang mga biktima.
Kasabay din ng pagkondena ni Sen. Risa Hontiveros sa insidente ang kanyang panawagan sa mga awtoridad na papanagutin ang mga responsable sa pagkamatay ng tatlong mangingisda na mula sa Zambales.
Pagdidiin niya, ang Bajo de Masinloc ay nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ito rin ang sinabi ni Sen. Grace Poe at aniya dapat ay mapalakas ang presensiya ng awtoridad sa karagatang sakop ng Pilipinas.
“Nararapat ang dagdag na proteksyon lalo na sa maliliit nating mangingisda na naglalayag sa kabila ng panganib para lang mabuhay,” aniya.