Nalunod ang tatlong mangingisdang Filipino nang mabangga ng banyagang barko ang kanilang bangka sa karagatan sakop ng Infanta, Pangasinan noong Lunes.
Ang insidente ay iniulat ng isang Johnny Manalo, isa sa 11 mangingisda na nakaligtas at nangyari sa distansiyang 333 kilometro hilaga-kanluran ng Barangay Cato sa bayan ng Infanta.
Ayon kay Manalo sakay sila ng F/B Dearyn nang banggain sila ng banyagang barko at mabilis na lumubog ang kanilang bangka dahil sa pinsala.
Kinilala ang mga nasawi na sina Dexter Laundensia, 40, boat captain; Romeo Mejico, 38, at Benedick Uladandria, 62, pawang mga residente ng Barangay Calapandayan sa Subic, Zambales.
Samantala, bukod kay Manalo, nakaligtas din sina Estelito Sumayang, 50; Mario An, 50; Mandy An, 22; Michel An, 37; Gino Arpon, 30; John Michel Nogas, 37; Noriel Tolores, 27; William Asuntista, 39; Darwin Mejia, 32, at Reymark Bautista, 30, pawang mga residente din ng Barangay Calapandayan.
Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pulisya sa Philippine Coast Guard (PCG) upang matukoy ang banyagang barko.