Mariin ang pagkondena ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang kalunos-lunos na sinapit ng isang tatlong-taong gulang na batang babae sa Sen. Ninoy Aquino, Sultan Kudarat noong nakaraang linggo.
Ang biktima ay pinukpok ng bato sa ulo at may mga palatandaan na ginahasa ito ng kanilang 72-anyos na kapitbahay, na napatay naman nang manlaban sa mga aarestong awtoridad.
Nabatid na ang suspek ay nakulong noong 2018 sa kasong murder at ilang buwan pa lamang na nakakalaya.
Sa inilabas na pahayag ng CWC, na pangunahing ahensiya na nangangalaga sa mga bata laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso, ipinanawagan ang dapat na pagmamahal, pagkalinga at pagbibigay proteksyon sa mga bata.
Ang ahensiya ay nagbukas ng MAKABATA Helpline 1383 para sa mga nais humingi ng tulong o sa kahit anumang isyung pambata kabilang na ang pang-aabuso at karahasan.
Panawagan na lamang din ng CWC sa mga magulang na tuparin ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa kanilang mga anak.
Gayundin sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) at iba pang frontliners na maging mapagmasid sa mga paglabag sa karapatan ng bata at agad iulat sa mga awtoridad para sa nararapat na aksyon.