Higit 4M foreign tourists bumisita na sa Pilipinas ngayon taon – DOT

Hanggang kahapon, Oktubre 2, humigit apat na milyong banyagang turista ang bumisita sa bansa ngayon taon. Ito ang ibinahagi ni Tourism Sec. Christina Frasco sa pagdinig sa Senado para sa pondo ng pinamumunuan niyang kagawaran sa susunod na taon. Ibinahagi ng kalihim kina Senators Nancy Binay at Loren Legarda na ang bilang ay 82 porsiyento na ng kanilang 4.8 million foreign tourist arrivals  target ngayon taon. Ito ay halos doble na ng naitalang 2.65 milyon sa kabuuan ng nakaraang taon. At sa usapin ng ambag sa ekonomiya, sinabi ni Frasco na umabot na sa P344 bilyon ang ang kinita sa industriya ng turismo. Samantala, mas mababa ng 20 porsiyento ang panukalang pondo ng DOT sa susunod na taon kumpara sa kanilang pondo ngayon taon. Base sa 2024 National Expenditure Program (NEP), P2.991 bilyon ang inaprubahang pondo ng kagawaran, samantalang ngayon taon ang kanilang pondo ay P3.73 bilyon.

Read more...