Pagbibigay ng benepisyo sa mga pamilya ng nasawi o nasugatang uniformed personnel, pinamamadali ni Pangulong Marcos

Pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na tiyakin na maayos na maipatutupad ang mga programa para sa mga pamilya ng mga nasawi at nasugatang uniformed personnel.

Personal na binigyang pagkilala ni Pangulong Marcos ang  kabayanihan ng mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel na namatay at nasugatan sa pagtupad sa tungkulin sa “pagpupugay sa mga Bayani ng Bansang Makabayan” sa Davao City ngayong umaga.

Ayon kay Pangulong Marcos, hindi masusuklian ang sakripisyo ng mga ito para manatiling payapa at ligtas ang mga Filipino.

Kaya naman ayon kay Pangulong Marcos, nararapat lang na maging prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mga naulilang pamilya ng mga nasawing miyembro ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National police, Bureau of Fire Protection, Bureau of jail Management and Penology, at Philippine Coast Guard.

Sa ilalim ng Comprehensive Social Benefits Program, mayroong tulong-pinansyal, medikal, trabaho, pabahay at iba pang social welfare assistance na ipinagkakaloob sa naiwang pamilya ng mga uniformed personnel na nasawi habang naglilingkod sa bayan.

Inaatasan ng Pangulo ang kaukulang mga ahensya ng gobyerno na tiyakin ang maayos na implementasyon ng programa at siguruhing mabilis na makakarating ang mga benepisyo.

Muli ring tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na pagsisikapan ng pamahalaan na maibigay ang kinakailangang suporta ng mga sundalo’t pulis para magampanan ng maayos ang kanilang mandato.

 

Read more...