Hinihinalang kaso ng meninggococcemia, nagdulot ng panic sa Naga

 

Nataranta ang mga magulang sa isang Catholic School sa Naga City matapos mamatay ang isang Grade 3 na estudyante na pinaghihinalaang dahil sa meninggococcemia.

Isang batang babae na wala namang ipinakitang anumang sintomas ng bacterial infection ang biglang isinugod sa Naga Imaging Center (NICC) Doctors Hospital matapos siyang mag-suka noong Sabado.

Sa kasamaang palad, nasawi agad ang bata tatlong oras pagkatapos ng kaniyang pagsusuka.

Ayon kay Dr. Joey Rañola na isang infectious diseases specialist ng NICC, aabutin pa ng halos isang linggo bago makumpirma kung may meninggococcemia nga ang bata sa pamamagitan ng blood at spinal fluid tests.

Ang taong may meninggococcemia ay karaniwang nagkaka-lagnat, nagsu-suka at nagkakaroon ng rashes, at maaring mamatay sa loob ng 24-oras ang pasyente dahil mabilis kumalat ang impeksyon sa katawan.

Pero pinawi naman ni Rañola ang pangamba ng mga magulang na nag-pull out sa kanilang mga anak sa paaralan at sinabing hindi naman airborne ang meninggococcemia.

Mahigit 100 mga magulang ang tumungo sa paaralan kahapon para sabihin sa principal na aalisin na nila ang kanilang mga anak sa paaralan dahil naalarma sila sa pagkamatay ng nasabing estudyante.

Ayon naman sa mga opisyal ng paaralan, nag-fumigate at nag-linis na sila ng mga class rooms, at ngayong araw na inaasahang magbabalik ang klase dahil pansamantala muna itong sinuspinde kahapon.

Read more...