Duterte, pa-hard to get pa rin-Leni

 

Inquirer file photo

Aminado si Vice President-elect Leni Robredo na nahihirapan talaga siya na makapag-set ng meeting kay incoming President Rodrigo Duterte.

Ayon kay Robredo, ilang beses na nilang sinubukan ngunit hindi pa rin sila nakakakuha ng appointment kay Duterte.

Pero aniya, hindi naman siya nawawalan ng pag-asa, at naiintindihan naman niyang naging abala talaga si Duterte sa nakalipas na buwan dahil binubuo pa nito ang kaniyang Gabinete.

Nag-abiso rin naman aniya sila sa mga nakapaligid kay Duterte na handa siyang maghintay na magkaroon ng libreng panahon ang sunod na pangulo.

Una nang sinabi ni Duterte na hindi siya interesadong bigyan ng posisyon sa Gabinete si Robredo dahil ayaw niyang sumama ang loob ng kaniyang kaibigang si Sen. Bongbong Marcos na naging mahigpit na katunggali ng nanalong bise presidente.

Hindi rin magkasamang manunumpa ang dalawa sa kani-kanilang inagurasyon, dahil hindi rin naman inimbitahan ni Duterte si Robredo sa kaniyang seremonya.

Si Duterte ay manunumpa sa Malacañang habang si Robredo ay sa Quezon City Reception House na magiging opisina rin niya.

Read more...