Tulad ng pangako ng susunod na administrasyon, magiging simple lamang ang ihahaing pagkain sa inagurasyon sa June 30.
Sa pinakahuling tala, nasa 627 katao ang magsisilbing bisita sa inagurasyon ni president-elect Duterte sa naturang araw.
Ayon kay Lisette Marques, miyembro ng inaugural committee, limang putahe lamang ang magiging tampok sa inagurasyon ni incoming president Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga ihahain sa mga bisita na dadalo sa okasyon ang ginisang munggo, lumpia, kesong puti, beef longganisa at pandesal.
Bilang panghimagas, tampok ang mga tartlet na gawa sa durian at maruya o pinritong saging.
Pineapple-mango juice naman at dalandan juice ang magisisilbing inumin ng mga sasaksi sa pag-upo sa puwesto ni Duterte bilang ika-labinganim na Pangulo ng bansa.
Ang caterer ng Palasyo na ‘Via Mare’ ang natokahang magsilbi ng mga naturang kilalang pagkaing Pinoy sa araw ng inagurasyon.