Panelo kinondena pagharang kay ex-PNP Chief Azurin Jr., sa Canada

INQUIRER FILE PHOTO

Pumalag si dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa pagharang ng Canadian Immigration kay dating Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr. sa Langley Airport sa Canada.

Ayon kay Panelo, hindi makatarungan na kuwestyunin si Azurin. Aniya  bagama’t may karapatan ang Canada na tumanggap o mag-reject ng mga bisita na pumapasok sa kanilang teritoryo, hindi maaaring ikulong si Azurin at imbestigahan  hinggil sa mga polisiya ng bansa na may kinalaman sa problema sa ipinagbabawal na droga. Binigyang diin ni Panelo na ang ginawa ng mga awtoridad sa Canada kay Azurin ay hindi lang tahasang pambabastos kundi ito’y lantaran at mapangahas ding panghihimasok sa internal affairs ng bansa. “Not only is that rude, it is a blatant and outrageous intrusion into the internal affairs of our country as well,” pahayag ni Panelo. Matatandaang napaulat na kusa umanong bumalik na lang sa Pilipinas si Azurin matapos  harangin ng mga immigration officials sa Canada. Si Azurin ay sandaling nagsilbing PNP chief sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. Samantala, humingi na umano ng paumanhin ang Canadian government sa nangyari pero wala pa itong pormal na liham sa Department of Foreign Affairs (DFA) habang iginiit naman ni Azurin na ihahayag niya ang nangyari sa kanya sa tamang panahon.

Read more...