Para kay Senator Francis Escudero panahon na upang magtalaga si Pangulong Marcos Jr., ng kanyang kapalit bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Katuwiran ni Escudero marami ng hamon na kinahaharap ang kagawaran kayat nararapat lamang na may kalihim na nakatutok at agad makakakilos. “Siguro ang unang hakbang para matutukan talaga ang Department of Agriculture ay maglagay na ng permanente at full-time na secretary sa departamentong iyan. Kung mahalaga talaga iyan, kailangang may full-time at dedicated na kalihim at hindi part-time lamang,” ani Escudero. Naiintindihan aniya ang Punong Ehekutibo sa kagustuhan nitong pangasiwaan ang sektor ngunit masyadong maraming pambansang isyu na dapat din niyang harapin. “Maganda ang intensyon ng Pangulo. Ang problema ay iisa lang ang katawan niya, dadalawa lamang ang mga kamay niya at ang 24 oras niya ay 24 oras din nating lahat.,” aniya. Dagdag pa ni Escudero: “Hindi kaya nitong pagtama-tamain na gampanan pa rin niya ang trabaho bilang Pangulo ng bansa na sinu-supervise ang lahat ng departamento. Importante rin naman at matutukan din ang bawat butil, gagamitin ko na ang salitang butil, ng problema na kailangang asikasuhin dito sa Agriculture department.” Hinimok na rin nito ang gobyerno na kumilos laban sa ilegal na pagtatago ng bigas at smuggling sa pamamagitan nang pagsasapubliko ng mga responsable at pagsasampa ng mga kaso.MOST READ
LATEST STORIES