Dalawang panukala na pang-ekonomiya ang lumusot na sa Senado at lagda na lamang ni Pangulong Marcos Jr., ang kailangan upang kapwa maging ganap na batas ang mga ito.
Ito ang panukalang Public-Private Partnership (PPP) Code of the Philippines at ang Ease of Paying Taxes Act.
Ayon kay Deputy Majority Leader JV Ejercito, sponsor ng bicameral conference committee report ng PPP Act, pinalalakas pa nito ang framework ng pagpoproseso ng mga PPP projects.
Dito ay ginagawang malinaw ang papel ng pribado at pampublikong sektor para matiyak na ito ay tumatalima sa mga alituntuning itinatakda ng batas.
Pinapayagan din ang pamahalaan na gumawa ng mas emaayos na proseso na hindi nasasakripisyo ang antas ng pag-iingat na ipinagkaloob sa bawat PPP project.
Ibinabalanse rin ang pagbibigay ng insentibo sa mga private partners na makikilahok sa PPP program habang pinoprotektahan ang interes ng publiko.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na ang final version ng “Ease of Paying Taxes Bill” ay magbibigay ng “taxpayer segmentation, file-and-pay anywhere mechanism,”
Bukod pa sa paglilibre sa mga maliliit na taxpayers sa withholding taxes, pagbabawas sa multa sa mga micro at small taxpayers, at pagbibigay exemption sa OFWs mula sa paghahain ng income tax returns.