Walang puwang ang korupsyon, pag-abuso sa kapangyarihan at iba pang uri ng katiwalian at ilegal na Gawain sa hanay ng pambansang pulisya.
Utos ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga bagong heneral na nabigyan ng promosyon ata nanumpa sa Palasyo ng Malakanyang.
Sabi ni Pangulong Marcos, dapat na tiyakin na taglay ng mga pulis ang pinakamataas na pamantayan upang tularan ito ng kanilang mga tauhan.
Sa panig aniya ng pamahalaan, sinabi ng Pangulo na hahanap ito ng mga paraan para isulong ang modernisasyon sa pambansang pulisya tungo sa progreso at pag-unlad.
Patuloy aniyang bibigyan ng pinakabagong teknolohiya ang mga pulis at isasalang sa mga pagsasanay upang bigyan ng mas maigting na kakayahan sa pagpanatili ng kaayusan at kapayapaan sa buong bansa.
Sabi ni Pangulong Marcos, sa ganitong paraan, maisusulong ang makatotohan at positibong pagbabago para sa mas ligtas, mas patas at makatarungang komunidad.
Utos pa ni Pangulong Marcos, gawing prioridad ang pakikipag- dayalogo sa mga komunidad na kanilang pinagsisilbihan.
Ito ay para maibalik ang tiwala at kumpiyansa ng taong bayan sa mga pulis.