Naghain ng panukala si Senator Lito Lapid para sa pagkakaroon ng automated external defibrillators (AED) sa mga pampubliko at pribadong establismento sa bansa.
Ikinatuwiran ni Lapid sa inihain niyang Senate Bill 1324 na ang atake sa puso ang isa mga pangunahing nagdudulot ng kamatayan sa mga Filipino.
Sa kanyang panukala, dapat ay magkaroon ng AED sa lahat ng pampublikong gusali, gayundin sa hotels, resorts, condominiums, maging sa mga korte, paaralan, parke, palengke at transport terminals.
Banggit ng senador, base datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinukoy ni Lapid na umabot sa 77,173 Pinoy ang nasawi dahil sa Ischemic heart disease mula January hanggang September 2022.
Paliwanag ni Lapid sa kanyang panukala, dapat ay makapagbigay ng agad na tulong sa mga inaatake sa puso saan man sila naroon para sa posibilidad na sila ay mabuhay.
“Bukod sa paglalagay ng mga AED sa public at private spaces, kasama sa ating panukalang batas ang training program sa mga Pinoy na pangungunahan ng Department of Health (DOH) para sa tamang paggamit at maintenance ng AED units, kasabay ng regular na mga first-aid training. Gagawing requirement ang pagkumpleto sa nasabing training ng mga emergency response o first-aid teams ng bawat establisyemento bago sila mabigyan ng AED units,” dagdag pa ng senador.
Isinusulong ito ni Lapid bilang pakikiisa sa paggunita ng World Heart Day sa darating na Biyernes, Septyembre 29.