Fuel subsidy sa PUVs, riders malaking tulong sa operators, drivers, riders – Angara

Tuwirang sinabi ni Senator Sonny Angara na makakabawas sa kalbaryo ng public utility vehicles (PUVs) operators at drivers at delivery riders ang ipinamamahaging fuel subsidy. Banggit ng namumuno sa Senate Finance Committee, higit P3 bilyon ang inilaan sa fuel subsidy at ito ay nakapaloob sa 2023 General Appropriations Act at ito ay may 1.3 milyong benepisaryo. “Eleven weeks nang tuloy-tuloy ang taas-presyo ng mga produktong-petrolyo. At talagang napakalaking kalbaryo nito para sa PUV drivers. Malaki ang gastos, maliit ang kita ganyan ang nangyayari sa kanila,” ani Angara. Dagdag pa nito, sa kabila ng maghapon o magdamag na pamamasada kakarampot ang kita ng PUV drivers para makapagtaguyod ng pamilya. Kinilala ng senador ang napakahalagang tungkiln na ginagampanan ng PUV operators at drivers sa lipunan at kung ano naman ang maaring maibigay sa kanilang ayuda ay nararapat lamang na ibigay para magtuloy-tuloy ang kanilang serbisyo. Sa 2024 National Expenditure Program, may hiling ang Malakanyang na panibagong P2.5 bilyon na pangsubsidiya sa sektor ng pampublikong transportasyon. Dinagdagan ito sa Kamara ng kalahating milyong piso.

Read more...