Hindi magdadalawang isip si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gamitin ang kamay na bakal para sugpuin ang mga economic at agricultural saboteurs sa bansa.
Sabi ni Pangulong Marcos, ang mga tiwaling negosyante ang nagpapabagsak sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos sertipikahan bilang urgent ang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa smugglers at hoarders.
Sa kanyang liham kay Senate President Juan Miguel Zubiri, pinabibilisan ni Pangulong Marcos ang Senate Bill No. 2432 na poprotekta sa mga magsasaka at mangingisda mula sa mga mapagsamantalang mangangalakal at importer.
Kabilang sa mga parusa ang “perpetual absolute disqualification to engage in any business involving importation, transportation, storage and warehousing, and domestic trade of agricultural and fishery products.”
Nais ni Pangulong Marcos na ma-certify bilang urgent ang batas ngayong nahaharap ang mga konsyumer sa pagtaas ng presyo at kakulangan ng agricultural products dahil sa smuggling, hoarding, profiteering at cartel.
Ayon sa Pangulo, ang panukala ay magtataguyod ng produktibidad ng sektor ng agrikultura, magpoprotekta sa mga magsasaka at mangingisda mula sa mga walang prinsipyong mangangalakal at importer, at matiyak ang makatwiran at abot-kayang presyo ng mga produktong agrikultural at pangisdaan para sa mga mamimili.
Kung maisasabatas, haharap sa mga sumusunod na parusa ang mga opisyales ng gobyernong mapatutunayang sangkot sa naturang krimen: habambuhay na disqualification sa public office, pagboto, paglahok sa anumang pampublikong eleksyon; pati na rin ang pagbawi ng monetary at financial benefits mula sa trabaho.
Kung “juridical person” sang may sala, ilalapat ang criminal liability sa lahat ng opisyales na lumahok sa sa paggdedesisyon hanggang sa dumulo sa krimen.
Ang panukala ay kasama sa pinalawig na Common Legislative Agenda na pinagpulungan noong ikatlong Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting.
Nakabinbin pa rin sa interpellations sa Senado ang SB 2532, habang pinipinal na naman ng Technical Working Group ang bersyon nito sa Kamara.