Nilinaw ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi niya personal na kakilala ang sinasabing pinuno ng isang kulto sa Socorro, Surigao del Norte.
Paliwanag ni Go ukol sa kumakalat na retrato, noong Hulyo nagtungo sa Senado ang grupo sa pamumuno ni Agusan del Norte Board Member Dick Carmona.
Nagtungo aniya ang grupo sa mga opisina ng mga senador at humingi ng tulong para sa kanilang lugar.
“Ako naman bilang senador hindi ako suplado. Parati ko sinasabi, bukas ang aking opisina para sa lahat ng Filipino at lahat ay pinapansin ko,” anang senador.
Sinabi pa ng senador: ” Katulad ng aking kinagawian, ona-accomodate ko ang sinomang nais magpakuha ng litrato sa aking opisina o saan man ako pumupunta.”
Ukol naman sa kontrobersiya na kinasasangkutan ng sinasabing kulto, ang payo ni Go ay harapin ng mga ito ang akusasyon at magpaliwanag.