Muling nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa China na bayaran ang danyos kaugnay sa pagkasira ng ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ito ni Hontiveros kasunod nang pagkumpirma ng Philippine Coast Guard na napinsala ang mga coral sa Rozul Reff at Escoda Shoal.
Kasabay nito ang paghahain niya ng Senate Resolution No. 804 na kumukondena sa malawakang “coral harvesting” na pinaniniwalaang kagagawan ng Chinese maritime militia vessels.
Hiniling din ni Hontiveros na maimbestigahan sa Senado ang panibagong pamiminsala sa yamang-dagat sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
“We should seek payment for damages caused by China in the WPS. Aabot ng bilyon-bilyon ang makukuha natin kung maoobligang magbayad ang Tsina. Ninanakawan na nga nila ng hanapbuhay ang ating mga mangingisda, winawasak pa nila ang ating likas-yaman. Kung mabayaran ng Tsina ang lahat ng utang niya sa Pilipinas, siguradong makakatulong ito sa kinakaharap nating krisis sa ekonomiya,” diin ni Hontiveors
Magugunita na noong 2020, sa kasagsagan ng pandemya, inihain ng senadora ang Resolution No. 369 matapos ibunyag ni Dr. Deo Onda, isang scientist ng University of the Philippines’ Marine Science Institute, na tinatayang aabot sa P33.1 bilyon ang halaga ng pinsala sa reef ecosystems sa Panatag Shoal at Spratlys dahil sa reclamation activities ng China.