Chiz hinamon ang BOC na asuntuhin ang rice smugglers, hoarders

INQUIRER PHOTO

Agad na pinakakasuhan ni Senator Francis Escudero sa Bureau of Customs ang mga pinagsususpetsahang sangkot sa smuggling at hoarding ng bigas.

Katuwiran ni Escudero ang mga ito ang dahilan kayat nakakaranas ng artificial shortage ng bigas na ugat ng pagsirit ng presyo ng bigas.

Bukod dito, pinuna din ng senador ang hindi pagsasapubliko ng kawanihan ng pangalan ng mga may-ari  ng mga bodehga na sinalakay ng mga awtoridad at kung saan daang-daang tonelada ng smuggled rice ang nasamsam.

“Ang dami nang raids na ginawa nitong mga nakaraang linggo, bakit hanggang ngayon, wala pang kasong isinasampa sa mga taong sangkot?” tanong ng senador.

Aniya dapat ay kasuhan ang mga nagsasabotahe sa ekonomiya upang magsilbing babala na seryoso ang administrasyong-Marcos Jr., sa kampaniya laban sa mga smuggler at hoarder.

“Hindi tayo dapat nagtatapos sa mga raids lamang. Naghihintay at nagmamatyag ang taumbayan sa susunod na hakbangin ng pamahalaan. Sampahan na agad ng kaso ang mga dapat sampahan. We should bring them to the court of justice to prove that this administration is resolute in its campaign against rice cartel,” dagdag pa ni Escudero.

 

 

Read more...