Kumpiyansa si Senator Grace Poe na malakas ang mga probisyon ng SIM Registration Act at nais niya na may arestuhin na text scammers ang awtoridad.
Sa ganitong paraan aniya masusubukan ang tibay ng batas sa halip na ipatigil ang pagpapatupad nito.
“Nasa awtoridad ang responsibilidad ng maayos na pagpapatupad ng batas na ito. Ang sabi ko nga, kung may matibay na ebidensya laban sa mga nahuli na lumalabag sa batas, sampolan n’yo na,” ani Poe, ang principal author at sponsor ng naturang batas.
Dagdag pa niya: “Ang dapat talaga, pinatutupad ang ang batas. Kapag may nakita ang ating mga kababayan na nahuli at kinulong dahil dito nga sa mga fake registration ng SIM o nagbebenta ng pre-registered na SIM, kahit papaano mababawasan yan.”
Banggit niya, may sinalakay na cybercrime hubs ang mga awtoridad kunng saan nakumpiska ng daan-daang pre-registered SIM cards at kinamusta niya ang progreso sa kaso.
“Dati, kung may makita na may fake na SIM cards, hindi makasuhan dahil walang batas, ibig sabihin, hindi iligal ‘yun. Ngayon, binigyan na natin ng armas ang awtoridad sa pamamagitan ng batas. Umaasa ang ating mga kababayan na gagawin nila ang trabaho nila,” ayon pa sa namumuno sa Committee on Public Services ng Senado.
May mga panukala naman para mas maging epektibo ang batas na bukas si Poe na maikunsidera tulad ng “live selfie” sa pagpaparehistro ng SIM, pagtatakda ng bayad sa ika-apat na SIM na gagamitin.