Retired General na namatayan ng mag-ina sa sunog sa QC, kasama sa tinaguriang “Euro General”

Kuha ni Ricky Brozas
Kuha ni Ricky Brozas

Kabilang si Retired General Ismael Rafanan sa tinaguriang “Euro Generals” na kinasuhan ng Office of the Ombudsman kasama ang walong iba pa dahil sa pagwaldas umano sa pondo ng Philippine National Police.

Pag-aari ni Rafanan ang bahay sa Batasan Hills sa Quezon City na nasunog kaninang umaga na ikinasawi ng kaniyang mag-ina.

Si Rafanan ay dating chief of the directorial staff ng PNP.

Kasama ni Rafanan na sinampahan ng kasong malversation of public funds sina senior police officials Eliseo dela Paz, dating chief for comptrollership ng PNP; Emmanuel Carta, dating deputy chief for operations; Romeo Ricardo, dating director for plans; German Doria, dating director for human resources and doctrine development; at Jaime Caringal, dating Region IX police director.

Maliban sa kanila, kinasuhan din sa Sandiganbayan sina retired chief superintendent Orlando Pestaño, at Senior Superintendents Samuel Rodriguez at Tomas Rentoy III.

Sa 86-pahinang resolusyon ng Office of the Ombudsman noong March 26, 2013, inaprubahan ang rekomendasyon ng panel of special investigators para sampahan ng kasong kriminal ang siyam na respondents.

Magugunitang aabot sa 17 retired at noon ay mga aktibong PNP officials ang nasangkot sa Euro Generals controversy matapos dumalo sa 77th International Police (Interpol) general assembly sa St. Petersburg, Russia noong October 2008.

Nang pauwi na ng Pilipinas, si Dela Paz at kaniyang asawa na si Maria Fe ay naharang sa Sheremetyevo International Airport in Moscow matapos makuhanan ng 105,000 euros (P6.9 million).

 

 

Read more...