Fil-Chinese traders’ group pabor sa bawas taripa sa bigas
By: Chona Yu
- 1 year ago
Suportado ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc (FFCCCII) ang hakbang ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pansamantalang bawasan ang taripa sa imported na bigas.
Ayon kay Dr. Cecilio Pedro, presidente ng FFCCCII, malaking tulong ito para maging stable ang presyo ng bigas sa bansa.
Sa panukala ni Diokno, mula sa kasalukuyang 35 percent, nais nitong gawin na lamang na zero hanggang 10 percent na lamang ang taripa sa imported na bigas..
Ayon kay Pedro, sa panukala ni Diokno, hindi lamang bababa ang presyo sa bigas kundi matutugunan din nito ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bukod pasa matutugunan ang demand-supply gap sa suplay ng bigas.
Ayon kay Pedro, maraming Filipino ang tiyak na makaagapay din sa presyo ng bigas na pangunahing pagkain ng mga Filipino.
Bilang umbrella organization ng Filipino Chinese business associations, sinabi ni Pedro na kailangang suportahan ang hakbang ng gobyerno para matulungan ang nasa 110 milyong Filipino.