Bangkay ng rebelde nakalkal sa hukay ng askal

Mistulang isa lamang patay na hayop ang bangkay ng isang  New People’s Army (NPA) member na ibinaon sa mababaw na hukay ng kanyang mga kasama matapos ang isang madugong pananambang sa mga miyembro ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa  labanan ng militar sa hangganan ng Quezon at Camarines Norte noong umaga ng Septyembre 1. Nadiskubre ang bangkay ng mga residente ng Barangay Mapulot sa Tagkawayan, Quezon dahil kinalkal ng mga aso ang hukay. May tama ng bala sa mukha at balikat ang nasawing rebelde, na kinikilala pa ng mga awtoridad. Sa sinapit ng rebelde, nagpahayag ng labis na pagkadismaya ang mga residente at kinamuhian ang mga rebelde. “Para namang hayop lang nila itinuring ang nasawi nilang kasama. Sana ay iniwan na lamang nila ang bangkay sa pinangyarihan ng ambush nang sa gayon ay nabigyan sana ng gobyerno ng disenteng libing na katulad ng ibinigay sa mga nasawing kawal”, pahayag ng isang ginang na tumangging magpakilala. May intelligence report na may ilan pang rebelde ang nasugatan at maaring may iba pang namatay. Inamin na ng tagapagsalita ng NPA Apolonio Mendoza Command (AMC) ang pananambang na nagresulta sa pagkamatay ng limang Cafgu member. Ito aniya ay pagpapakita na malakas pa ang kanilang puwersa na pinabulaanan naman ng militar.

Read more...