Inaasahan ng Malakanyang na ngayon buwan hanggang sa susunod na buwan ay magiging maayos na ang presyo ng bigas dahil nagsimula na ang anihan.
Sa pagtatapos ng Setyembre, inaasahan na ang unang ani ng palay ay aabot sa dalawang milyong metriko tonelada hanggang tatlong milyong metriko tonelada sa Oktubre.
Kasama ito na iniulat kay Pangulong Marcos Jr., ni Agriculture Usec. Leo Sebastian base sa datos mula sa Philippine Rice Information System (PRiSM).
Dagdag pa ni Sebastian na mula Hulyo hanggang sa Disyembre, tinatayang aabot sa 11 milyong metriko tonelada ng palay ang aanihin.
Aniya kung walang mapaminsalang bagyo, aabot pa sa 20 milyong metriko tonelada ang national palay output sa buong taon.
Ngayon buwan aniya, malaking bahagi ng aanihin na palay ay sa Isabela, Cagayan, Iloilo, Nueva Ecija, North Cotabato, Leyte, Oriental Mindoro, Camarines Sur, Palawan, Bukidnon, Zamboanga del Sur, at Davao del Norte.
Samantalang sa Oktubre ay mula naman sa Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Isabela, Occidental Mindoro, Cagayan, Oriental Mindoro, Palawan, Bulacan, Iloilo, Bukidnon, Agusan del Sur, Ilocos Sur, Leyte, at Camarines Sur.