Humihingi ng katarungan si Senator Robinhood Padilla para sa isang 62-anyos na matandang Muslim na inaresto dahil sa kapangalan niya ang isang lalaki na iniuugnay sa mga karumaldumal na krimen.
Sa pamamagitan ng privilege speech, ibinahagi ni Padilla ang sinapit ni Mohammad Maca-Antal Said na inaresto ng mga ahente ng gobyerno noong Agosto 10 sa NAIA Terminal 3 at patungo sana siya sa Malaysia.
Ngayon ay nakapiit sa Building 14 sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City si Said.
“Nakakulong pa rin po siya. Inilapit po namin sa korte ang sabi ng korte kailangan pang dumaan sa proseso. Hindi ko na po maintindihan kung ano bang proseso kailangan e matagal nang patay ito ang suspect na sinasabi nila,” ani Padilla.
Dagdag pa ng senador; “Ang kaso po ng mistaken identity ay hindi makatwiran, hindi makatarungan at hindi makatao. Hindi na po ito katanggap-tanggap lalo na sa panahon na bumubuhos ang technology at innovation. Kung nais nating ibalik ang buong tiwala ng publiko at patatagin ang pundasyon ng isang makatarungang lipunan, wala na pong Pilipino ang matutulad sa kapalarang sinapit ni Tatay Mohammad.”
Nabatid na si Mohammad, na mula sa Balo-i, Lanao del Norte, ay kapangalan ng isang Mohammad Said na may siyam na warrants of arrest.
Noong 2018, naaresto na si Said dahil na rin sa “mistaken identity” ngunit pinalaya din at nabigyan pa ng clearances ng NBI noong 2018 at 2019.
Bukod pa dito, napatay na sa isang operasyon ng militar sa Sulu noong 2016 ang sinasabing Said na may mga kasong kriminal.