3 lugar, nagsuspinde na ng klase bukas

 

Nadagdagan pa ang mga lugar na nagdeklara ng suspensyon ng klase para bukas, June 27, bilang paghahanda sa bagyong ‘Ambo’.

Kabilang sa walang pasok bukas ay sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Baler, Aurora: mula pre-school hanggang high school.

Wala na ring pasok ang mga estudyante ng pre-school sa buong lalawigan ng Catanduanes at Naga City, Camarines Sur.

Batay sa 5PM weather bulletin ng PAGASA, ang Bagyong Ambo ay gumagalaw ng 22 kilometers per hour sa west northwest direction.

May taglay itong hangin na 45 kph malapit sa gitna, at matatagpuan 140 kilometers northeast ng Virac, Catanduanes.

Inaasahang hihina ito sa oras na magla-landfall sa Aurora bukas ng umaga.

At dahil sa bilis nito, sinabi ng PAGASA na maaaring lumabas ang Bagyong Ambo sa Philippine Area of Responsibility o PAR sa Martes (June 28).

Nasa ilalim pa rin ng Tropical Cyclone Warning Signal No. 1 ang mga lalawigan ng Catanduanes, Camarines Norte, Northern Quezon kabilang ang Polillo Islands, Aurora at Quirino.

 

Read more...