Pagdinig ng Senado sa P2.385-B 2024 budget ng OVP tapos na

Nagawa ng ilang senador na makapagtanong ukol sa paggamit ng pondo at hinihinging pondo ng opisina sa ni Vice President Sara Duterte para sa susunod na taon.

Umabot sa isa at kalahating oras ang naging pagtalakay sa Committee on Finance, na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara.

Magugunita na sa Kamara, agad na pinalusot ang budget ng OVP at hindi na pinayagan ang mga mambabatas na magtanong pa.

Nabatid na P2.385 bilyon ang inilaan ng Budget Department sa Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.

Kabilang naman sa natalakay ay ang higit 400 tauhan ng Vice Presidential Security Group (VSPG).

Ipinaliwanag ni Duterte na ang AFP at PNP ang nagdedetermina ng sitwasyon ng kanyang seguridad at walang ginastos ang kanyang tanggapan para sa security details dahil mga sundalo at pulis ang mga ito.

Kinuwestiyon naman ni Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang pagbibigay ng confidential and intelligence fund (CIF) sa OVP.

Sa pahayag ni Duterte, sinabi nito na wala o meron na ibibigay sa kanyang CIF ay maayos na tatakbo ang operasyon ng kanyang tanggapan.

Tiniyak lamang din nito na ang pinagkakagastusan ng kanilang CIF ay alinsunod sa itinakdang mga alintuntunin.

Nabanggit naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang iniaalok na “Libreng Sakay” ng OVP dahil aniya ito ay katulad lamang din ng ibinibigay ng pambansang pamahalaan.

 

Read more...