Kumpiyansa si Senator Sonny Angara na malaki ang maitutulong ng isinusulong niyang “Tatak Pinoy” (Proudly Pinoy) Act para mabigyan ng mga oportunidad at trabaho ang maraming Filipino.
Ayon pa sa senador sa ganitong paraan ay uunlad ang ekonomiya ng Pilipinas at magsisilbing isa sa mga solusyon sa maraming hamon na kinahaharap ng ibat-ibang sektor.
“We believe that ‘Tatak Pinoy’ can provide solutions to cross-cutting problems like poverty, inclusive growth, the trade and the current account deficits, employment, underemployment, low salaries, rural to urban migration and many others,” sabi ni Angara.
Bukod pa dito aniya, mas makikilala pa ng husto ang mga produktong-Filipino sa buong mundo.
Nakahanda na si Angara na sagutin ang lahat ng mga katanungan at suhestiyon ng mga kapwa senado ukol sa panukala, na apat na taon na niyang isinusulong.
Kabilang ang Tatak Pinoy bill sa prayoridad ng administrasyong-Marcos Jr., na maisabatas.
Dagdag paliwanag pa ng namumuno sa Senate Finance Committee ang kanyang panukala ay magsisilbing pambansang istratehiya para mapabilis ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan nang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor.
“For true economic development to happen, it needs to be pursued collectively and collaboratively by all sectors of society. Supporting domestic industries and hastening the process of transforming the Philippine economy demands that stakeholders from the public and private sectors organize, plan, align, and integrate their respective efforts,” dagdag pa ng senador.
Diin din niya, hindi dapat makuntento ang Pilipinas sa mga kasalukuyang nailalabas o nagagawang produkto ngunit kailangan din ang regular na pagpapabuti ng mga ito para mas mapaunlad ang mga kinauukulang industriya.
“Kapag tinangkilik at sinuporthan kasi ng buong bansa ang mga industriyang sariling atin, magkakaroon ng mas maraming trabaho, mas mataas ang sahod, mas maraming negosyo at mas maganda ang kita, at mas maraming pagkakataon sa kanayunan para umasenso ang ating mga kababayan. Para sa amin, ang magsama-sama para suportahan ang mga Tatak Pinoy na industriya ay isa sa pinakamabisang paraan para gumanda at lalong umarangkada ang ating ekonomiya,” aniya.