Agad na pagpasa ng Maritime Zone Bill inihirit ni Tolentino
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Hiniling ni Senator Francis Tolentino sa mga kapwa senador ang suporta sa Maritime Zone Bill.
Ginawa ito ni Tolentino kasunod nang pagpapalabas ng China ng kanilang bago mapa na nagpakita na ng 10-dash line.
Sa mapa aniya ay sinakop na ng China hindi lamang ang West Philippine Sea kundi maging ang Batanes hanggang Taiwan Strait.
Katuwiran ng senador mas mapapagtibay ang sakop ng teritoryo ng Pilipinas kung magiging batas na ang Maritime Zone Bill.
Paliwanag niya bukod sa magiging malinaw ang exclusive economic zone (EEZ) maipapakita din ang continental shelf ng bansa gayundin ang shipping lines kung saan makikita naman kung hanggang saan lang maaring dumaan ang mga banyagang sasakyang-pandagat.
Ang Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones na pinamumunuan ni Tolentino ang didinig sa nasabing panukala.
Samantala, bukod dito, iminungkahi rin ng senador ang pagkakaroon na ng joint maritime patrol ng Japan, Amerika, Australia at Pilipinas para mabawasan ang pagiging agresibo at patuloy na pambubully ng China sa ating sakop na teritoryo partikular sa West Philippine Sea.